-->

Eduardo Olbara (biography)

Ka Andoy
Eduardo Olbara

Si Kasamang Eduardo Olbara ay isinilang sa Sityo Mansalay sa Brgy Kilumaon ng Sangay, Camarines Sur. Ipinanganak siya sa isang pamilyang magsasaka. Kahit may kapirasong lupang taniman, naghahag-ot sila para sa dagdag na kabuhayan.

Ang kanyang ama ay isa sa mga unang naugnayan nina Ka Che (Romulo Jallores) sa bayan ng Sangay. Sila ang mga unang pamilyang magsasaka na naugnayan ng mga unang kasamang naggawaing masa sa Camarines Sur. Tuluy-tuloy na naugnayan ng mga kasama ang kanyang pamilya.

Dahil sa kahirapan, nakapagtapos lamang ng elementarya si Eduardo. Nagtrabaho siya bilang kargador sa Laguna upang makatulong sa kabuhayan ng pamilya. Tuwing umuuwi siya noon sa kanilang lugar, palagi niyang nakakatalakayan ang mga kasama. Dito siya namulat sa mga suliranin ng lipunan at sa pangangailangan ng pagrerebolusyon.

Taong 1973, pag-uwi ni Eduardo mula sa trabaho, nagpasya na siyang magpultaym. Ka Andoy ang kanyang piniling pangalan sa pakikibaka. Nauna na rin noong nagpultaym sa hukbo ang kanyang panganay na kapatid. Buwan ng Hulyo ng taon ding iyon, kasabay na siya sa yunit sa gawaing masa sa hangganan ng Buhi ng Camarines Sur at sa Polangui ng Albay. Sa panahong iyon, tambak na ang pwersa ng kaaway sa Camarines Sur.

Taong 1972, sinimulan na ng kaaway ang malalaki at koordinadong kampanyang militar laban sa kauna-unahang sonang gerilya sa prubinsya. Layunin ng kaaway na kitlin ang pag-usbong ng rebolusyonaryong kilusan. Hinarap ng mga kasama sa Camarines Sur ang mapanalasang Task Force Isarog ng kaaway. Sinikap nilang umiwas sa mga patrulya at operasyong strike ng lakas batalyong pwersa ng Philippine Constabulary (PC).

Kumitid ang baseng masa dahil sa matinding operasyong militar. Pagsapit ng Disyembre 1973, tatlong baryo na lamang sa prubinsya ang mabisang namamaniobrahan ng mga kasama. Upang mapreserba ang pwersa, nagpasyang ilipat sa Albay ang yunit ng BHB mula sa Camarines Sur. Kasabay si Ka Andoy sa natirang iskwad ng Camarines Sur na umatras at naging unang Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP) sa Albay. Ginamit nila ang pagkakataon upang magkonsolida at mag-ipon ng lakas sa Albay. Mula doon, kinaya nang magpalawak sa bagong mga lugar at mabalikan ang mga naiwang sonang gerilya.
Pagpasok ng 1974, naitalaga si Ka Andoy sa gawaing komunikasyon na tumutulong sa Bicol Technical and Liason Staff (BTLS). Nakabase sila noon sa kalunsuran.
Disyembre 1974, nagkaroon ng serye ng pang-aaresto sa mga kasama sa lungsod dahil sa pagkakanulo sa kanila ng mga taksil. Isa si Ka Andoy sa mga nakaiwas sa pagkakadakip. Pagkatapos ng pangyayari, ipinakat na siya sa gawain sa kanayunan.

Mula 1975 hanggang 1980, isa siya sa mga kadre sa Albay na itinalaga sa mga Sandatahang Pangkat Propaganda (SPP) para sa gawaing ekspansyon. Dito siya nahasa sa pagbibigay ng mga pag-aaral, pagpupropaganda at pagpapakilos sa masang magsasaka. Mahusay rin niyang nagabayan ang serye ng mga kampanya sa pagpapababa ng upa sa lupa sa mga asyendang linunsaran ng rebolusyong agraryo.
Masusi niyang pinag-aralan at linagom ang kanyang mayamang karanasan sa pakikidigma. Sa gayon niya napaunlad ang kanyang kahusayan sa gawaing militar. Isa si Ka Andoy sa pinakamahuhusay na kadreng militar sa buong rebolusyonaryong kilusan.

Sa isang depensibang labanan noong 1979 tinamaan ng bala ang kanyang kaliwang kamay. Binago ng punglo ang hitsura ng kanyang kamay, palagi itong nakaporma na tila nakahawak sa hand-guard ng armalayt. Naging tatak na ito ni Ka Andoy. Tatak ng kahandaan sa pakikidigma.
Sa unang panrehiyong kumperensya noong 1981, isa siya sa mga delegado. Nahalal siyang kagawad ng Komiteng Rehiyon. Naitalaga siya sa pangangasiwa sa Komiteng Larangan sa Albay. Siya ang namuno sa pagpapatupad ng mga gawain sa unang distrito. Siya rin ang kadreng gumabay sa District Yunit Gerilya (DYG). Sinaklaw nila ang mga bayan ng Oas, Libon, Ligao at Guinobatan.
Taong 1982, pinamunuan ni Ka Andoy ang ambus ng yunit ng BHB sa 564th Engineering and Construction Batallion. Ito ang batalyong nag-ooperasyon noon sa hangganan ng Camarines Sur at Albay. Nang tambangan ito ng mga kasama, kapapalit pa lamang ng batalyong ito sa dating 52nd PC Batallion. Isa ito sa mga tumampok na taktikal na opensiba na umani ng malaking pangmilitar at pampulitikang tagumpay. Napatay dito ang hepe ng batalyon na si Col Laberinto.

Kaalinsabay ng mga taktikal na opensiba, malawakan ding ilinunsad ang kampanya sa rebolusyong agraryo. Ang kampanya sa pagpapababa ng upa sa lupa na ilinunsad sa unang distrito ng Albay noong 1982 ay tinawag na oplan pakyaw. Naging antas pamprubinsyang kampanyang masa ito noong 1983.
Taong 1985, mula sa gawain sa Komiteng Larangan, ilinipat siya sa kumand ng bagong buong pormasyong kumpanya sa Albay. Siya ang pinakaunang kumander ng pormasyong kumpanya na nakatalaga noon sa erya ng Timog Bikol (Albay at Sorsogon).

Hunyo 1985, katatapos pa lamang ng treyning sa pulitiko-militar sa Brgy Mabayawas sa bayan ng Libon, Albay nang mapadepensiba ang kumpanya. Dahil sa mahusay na taktika at maniobra ng tropa, nakuha nina Ka Andoy ang inisyatiba sa laban. Hindi na nakaabante ang umaatakeng kaaway. Malaki ang naging pinsala at marami ang namatay sa kaaway. Lalupa’t nagkaroon ng misencounter ang kaaway sa tropang magrereimpors. Ligtas na nakamaniobra ang buong tropa ng BHB nang walang nalagas o nasugatan. Ang labanang ito ang naitalang unang matagal na labanan sa Bikol. Umabot iyon ng halos anim na oras.

Sa sumunod na taon, pinamunuan din ni Ka Andoy ang dalawang magkasunod na ambus sa Brgy Banao sa Oas at sa Brgy Binogsacan sa Guinobatan. Naging matunog ang nabanggit na mga ambus. Sa mga taktikal na opensibang ito, mahusay na naisapraktika ang mga prinsipyo sa pakikidigmang gerilya.
Noong 1986, itinalagang unang vice regional commander ng Regional Operational Command si Ka Andoy. Naging bahagi siya sa pagpaplano ng mga kampanyang militar sa rehiyon. Nakatulong din siya sa pagbibigay ng mga pagsasanay sa pulitiko-militar sa mga kasama.

Sa kabila ng maraming responsibilidad bilang kumander ng tropa, lumalahok siya sa pang-araw-araw na mga gawain ng kasama. Mula sa paghahakot ng suplay at pagluluto hanggang sa mga huntahan at biruan. Kaya kapansin-pansin ang pagiging malapit sa kanya ng mga kasama.
Mataas ang kanyang pagpapahalaga sa kapakanan ng mga kasama. Ngunit kailanman ay hindi siya humingi ng espesyal na pagpapahalaga para sa kanyang sarili. Lubos niyang kinikilala ang papel ng bawat pulang mandirigma sa kolektibong paggawa kaya mahusay siyang nakakapamuno.

Hindi nag-aalangang lumapit sa kanya ang mga kasama at masa. Mapagmalasakit siya sa kanilang kapakanan. Madali siyang makasundo at makapalagayang loob. Mahinahon at magalang siyang magsalita.
Madali niyang mapansin kapag may problema ang isang kasama. Personal niya itong kinakausap at pinapayuhan. Palagi niyang sinisikap na matulungan ang mga ito na makahanap ng solusyon sa kanilang mga problema. Sanggunian din siya ng suliranin, maging ng mga dati niyang nakasama sa yunit na nalipat na ng kolektibo.

Mahigpit siyang tumalima sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan. Kapag meron siyang reserbasyon sa mga usapin at patakaran, ipinarerehistro niya ang mga ito habang ipinapatupad kung ano ang napagkasunduan o napagbotohan ng mayorya ng kolektibo.
Magaling sa teknika at taktika si Ka Andoy. Mahusay niyang pinamunuan ang malalaking taktikal na opensiba. Lumalahok siya sa aktwal na gawaing paniktik. Sa aktwal na labanan, kasabay siya ng umaabanteng tropa habang tinitiyak niya na napapangasiwaan ang kabuuang laban. Sa gipit na mga sitwasyon, hindi niya kailanman iniiwan ang mga kasama.

Si Ka Andoy ay isang mabait at mapagmahal na ama at asawa. Mapag-alalang ama sa kanyang tatlong anak na babae. Tanggap niya ang sakripisyong mapalayo nang matagal-tagal na panahon sa kanyang asawa at mga anak. Hindi rin nag-alangan si Ka Andoy na ihabilin sa masa ang kanyang mga anak. Buo ang kanyang tiwala na pangangalagaan ng masa ang kanyang pamilya.
Hindi pa man ilinulunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, isa si Ka Andoy sa mga pumupuna sa masamang epekto ng wala sa panahong regularisasyon. Aniya, “Itong ginagawa natin ay masaya, pero lumiliit na ang ating baseng masa.”

Namatay si Ka Andoy sa isang depensibang labanan sa Brgy Alanao sa Lupi, Camarines Sur noong Abril 14, 1989. Papunta siya noon sa isang pulong nang makubkob ang tinuluyan nilang bahay.
Pinagpupugayan ng rebolusyonaryong kilusan ang magiting na pakikibaka ni Kasamang Eduardo Olbara sa pagpapangalan sa kanya ng pamprubinsyang kumand ng Bagong Hukbong Bayan sa Camarines Sur.

2 komento:

  1. kahit anong 2long gagawin, mahal ko ang NPA, kahit ako ay isang sibilyan lamang pag patuloy po sana niyo ang pagtulong sa masa...sumusuporta ako sainyo!!

    TumugonBurahin
  2. Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas-Bagong Hukbong Bayan-Pambansang Nagkakaisang Prente ng Pilipinas ngayon at magpakailanman mabuhay ang sambayanang Pilipino

    TumugonBurahin