-->

Sabado, Hulyo 29, 2017

Col. John Alden Masagca , 90st IBde at 83rd IBPA , Sinungaling at Desperado! 'Sagca' sa Wastong Proseso sa Pagkilala sa Kalayaang Sibil, 'Sagca' sa Usapang Pangkapayaan!

(Sagot sa Pahayag sa Midya, Hulyo 29,2017)

Pinabubulaanan ng Edmundo Jacob Command–New People’s Army (NPA) ang pahayag ni Col. John Alden Masagca ng 901st IBde sa panayam nito sa isang programa sa radyo, kung saan ay puro kasinungalingan ang pinagsasabi kaugnay sa pagdukot nila sa isang magsasaka at katutubong si Antonio Narvaez noong Hulyo 19, 2017 sa Sityo Catduce, Barangay Turage, Bayan ng Sagnay.

Una, iligal ang pagkakaaresto kay Antonio dahil isa itong sibilyan at hindi NPA. Kasalukuyang nagbabantay ito ng inuuling na kahoy nang sabihan ng kapatid na may nagpapakilalang NPA, pinuntahan at dinalhan pa ng tubig ni Antonio. Kinabukasan na ito muling nakita na may tali sa kamay, kasama ng mga Philippine Army na nag-ooperasyon. Hayagan nang buking at inamin na ng 83rd IBPA sa midya na nasa kanilang poder si Antonio at ibibigay daw nila ito sa PNP-Sagnay. Sumunod na araw, binago ang pahayag, naghabi na naman ng panibagong kasinungalingan na NPA pala daw kasi ito at may mga kasamahan pa daw si Antonio na nakatakas. Dinagdagan pa nitong huli ng nilubid na kasinungalingan, na may nakuhang cal.45 at mga dokumento kay Antonio na batayan para arestuhin kahit walang warrant of arrest. Ito ay malinaw na paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nagbibigay ng proteksyon sa mga batayang karapatang pantao.


Ikalawa, paanong bibisitahin ng pamilya  si Antonio sa kampo ng 83rd IB, gayong ito ay balwarte ng mga militar na tinuturing nga ng pamilya na salarin sa pagkakadukot o iligal na pag-aresto sa kanilang kapamilya? Paano din nila matitiyak na hindi sila ihaharas ng militar sa mismong kampo nito gayong nakaranas nga sila ng panghaharas at panggigipit sa nagdaang mga linggo? Nanggiba ng mga bahay ng masa at sapilitang pinapaamin na sila ay base ng mga NPA na nagtulak sa mga pamilya ni Antonio at iba pang mga masa na lisanin ang kanilang mga tahanan. Nagdulot ito ng matinding trauma sa masa, lalo sa mga bata at matatanda at dislokasyon sa kanilang kabuhayan.


Ikatlo, kasinungalingan din ang sinasabi ni Col. Masagca na “ayaw ni Antonio na iturn-over siya sa kustodiya ng PNP dahil daw natatakot itong bweltahan ng mga NPA"! Ang totoo,  pwersahan nilang ginagamit si Antonio para maggiya sa kanilang operasyon, at pinangakuan ng suportang pagkain at tirahan. Ang ganitong pamamaraan ng militar ay pagsasamantala sa kahirapan at antas ng kultura ng mga katutubong minorya upang imanipula nila ang kaisipan nito at makalikha ng panghahati sa hanay ng masang magsasaka at katutubo. 


Malinaw na ito ay paglapastangan ng yunit ng 901st IBde at 83rd IB ng Phillipine Army sa karapatang-tao at maging sa nakasaad sa CARHRIHL na napagkasunduan sa usapang pangkapayapaan nuong 1998 sa ilalim ng rehimeng Estrada. Patunay lamang ito, ang paglubid ng kasinungalingan ay para ihustipika ang pagtalikod ng rehimeng Duterte sa usapang pangkapayapaan. Tunay na kawalan ito ng kaseryosohan ng reaksyunaryong gobyerno na harapin ang mga batayang kagalingan, kapakanan ng mamamayan at makamit ang isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Ang pangunahing layunin nito ay patindihin ang todo-gerang kampanya sa ilalim ng Oplan Kapayapaan na nakatuon sa buong rebolusyunaryong kilusan at masang anakpawis na naghahangad ng makabuluhang pagbabago .


Hindi maglulubay ang buong rebolusyunaryong kilusan na ilantad, labanan at pagbayarin ang mga berdugong pasistang militar ng 901st IBde at 83rd IB na may mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao. Anumang mga OPLAN o kampanyang militar ang ilunsad ng rehimeng Duterte, kagaya sa mga naunang rehimen, tiyak na ito ay mabibigo dahil hindi nito mapipigilan ang pag-agos ng rebolusyunaryong galit ng sambayanang Pilipino.


EDMUNDO JACOB COMMAND
Distrito 5, Camarines Sur, New People’s Army

https://web.facebook.com/eloisa.parker.7/posts/117676695542547

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento