-->

Miyerkules, Hulyo 19, 2017

Aktibong Depensa ng NPA Laban sa Paggalugad ng 9th IB sa Camarines Sur, Matagumpay!

Pahayag sa midya
Hulyo 19, 2017

Isang engkwentro ang naganap sa pagitan ng NPA at ng 9th IB ng 9th ID, PA noong Hulyo 19, bandang alas-singko ng hapon, sa Bgy. Salvacion, Ragay, Camarines Sur. Sa labanang tumagal ng 30 minuto, isa ang napatay sa hanay ng AFP. Walang kaswalti sa hanay ng NPA, taliwas sa pahayag ng 9th ID na isang NPA diumano ang napatay.

Alas dos ng umaga noong Hulyo 18, na-monitor na ng Norben Gruta Command (NPA-West Camarines Sur) ang pagpasok ng tatlong pormasyon ng AFP sa Bgy. Baya, Bgy. Napolidan at Bgy. Cawayan sa Ragay. Matiyagang sinubaybayan, sinuri at pinaghandaan ng NGC ang galaw ng kaaway. Kinabukasan ng hapon, namataan na ng isang yunit ng NGC ang mga elemento ng Alpha Company ng 9th IB na pumasok sa Bgy. Salvacion mula sa Bgy. Baya. Hinintay ng mga Pulang mandirigma ang paglapit ng mga ito, at sa unang bugso ng putok, napatay ang isang elemento ng 9th IB.

Walang ibang dapat sisihin ang 9th ID kundi ang sarili nito. Habang patuloy ang paggamit nito sa ilang midya upang paggandahin ang sariling imahe sa gitna ng sunod-sunod na paglabag nito sa mga karapatang pantao, at upang siraan ang rebolusyonaryong kilusan, patuloy rin ang pagpasok at paggalugad nito sa mga sonang gerilya bilang pagsasakatuparan ng all-out-war nito laban sa kilusan. Patunay ito na sila mismo ang naghahanap ng “gulo”, taliwas sa ibinibintang nitong kaguluhang mula sa NPA.

Ang matagumpay na pagdepensa ng NGC ay patunay din ng suporta ng masa sa kanilang tunay na hukbo. Hindi katulad ng AFP na kailangan pang manakot o magbigay ng pabuya sa makakapagturo sa NPA, lubos ang tiwala ng NPA sa masa. Sa pamamagitan ng suporta ng masa, naisasapraktika ang taktikang gerilyang “papasukin ang kaaway sa kailaliman”, kung saan nagmimistulang bulag at bingi ang kaaway.

Sa gitna ng muling pagpapatigil ni Duterte sa usapang pangkapayapaan at plano nitong patagalin pa ang batas militar hanggang Disyembre, makakaasa ang masa na magpapatuloy ang Norben Gruta Command sa pagdepensa para sa kanilang kapakanan. Tumatalima ang NGC sa panawagan ng Communist Party of the Philippines (CPP) na maglunsad ng mga kontra-aksyon at opensiba upang labanan ang batas militar at all-out-war.

Tuloy ang laban para sa tunay at matagalang kapayapaan!

Michael Robredo
Tagapagsalita
Norben Gruta Command
Bagong Hukbong Bayan – Kanlurang Camarines Sur

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento